Ang kaniyang mga ipin, bagang, at durog na mga buto ang siyang naging mga bato naman na nagkalat sa mga bundok at kapatagan. Mula sa napakaraming dugo na umagos mula sa mga sugat ni Ymir ay nilikha nila ang dagat at pinalibutan ng lupa. Inilagak nila ang dagat paikot sa buong lupalop ng lupa. Sa gayon, iisipin ng marami na sobrang lawak at imposibleng tawirin ang dagat na iyon.
Kinuha rin ng magkakapatid ang bungo ni Ymir at nilikha ang kalawakan mula rito. Inilagay nila ito sa ibabaw ng lupa na may apat na kanto. Sa bawat sulok na iyon ay nagtalaga sila ng isang duwende. Sila ay sina Austri, Vestri, Norđi, at Suðri. Kapagdaka, tinipon nila ang mga alipato’t tilamsik ng apoy na walang tigil na lumilipad at bumabagsak sa daigdig ng Muspell. Inilagay nila ito sa gitna ng papawirin—ang isa’y sa itaas, at ang isa’y sa ibaba. Ito ang magsisilbing tanglaw ng langit at lupa.
Gayunman, ang ilan sa mga bola ng liwanag ay nakatirik lang sa kalangitan, samantalang ang iba’y palibot-libot sa kung saan-saan. Kung kaya, inilagay nila ang mga ito sa tamang puwesto at pinagalaw sa isang partikular na direksiyon. Ayon sa mga ninuno, dito raw nagmula ang araw at gabi. Dito rin nag-umpisa ang pagbibilang ng mga taon.
Bolo vytvorených viac ako 30 miliónov storyboardov