Isinilang si Liongo sa isa sa pitong bayang nasa baybayin-dagat ng Kenya. Siya ay nagmamay-ari ng karangalan bilang pinakamahusay na makata sa kanilang lugar. Malakas at mataas din siya tulad ng isang higante na hindi nasusugatan ng ano mang armas. Ngunit kung siya'y tatamaan ng karayom sa kaniyang pusod ay mamamatay siya.
Hari siya ng Ozi at Ungwana sa Tana Delta at Shangha sa Faza o isla ng Pate. Nagtagumpay siya sa pananakop ng trono ng Pate na unang napunta sa kanyang pinsang si Haring Ahmad.
Ang pagbabago ay naging mabilis mula sa Matriliner na pamamahala ng mga kababaihan tungo sa Patrilinear na pamamahala ng kalalakihan sa pagsasalin ng trono. Nais ni Haring Ahmad na mawala si Liongo kaya ikinadena at ikinulong niya ito. Nakaisip si Liongo ng isang pagpupuri. Habang ang parirala nito ay inawit ng mga nasa labas ng bilangguan, bigla siyang nakahulagpos sa tanikala na hindi nakikita ng bantay. Nang makita ito ng mga tao, tumigil sila sa pag-awit.
Tumakas siya at nanirahan sa Watwa kasama ang mga taong naninirahan sa kagubatan. Nagsanay siyang mabuti sa paghawak ng busog at palaso na kinalaunan ay nanalo siya sa paligsahan ng pagpana. Ito pala'y pakana ng hari upang siya ay madakip huli at muli naman siyang nakatakas.
Kakaunti lang ang nakaaalam tungkol sa matagumpay na pagwawagi ni Liongo sa digmaan laban sa mga Gala. Kaya naibigay ng hari ang kaniyang anak na dalaga upang ang bayaning si Liongo ay mapabilang sa kanyang pamilya.
Nang lumaon, si Liongo ay nagkaanak ng isang lalaki na nagtraydor at pumatay sa kanya.