Si Maria ay kaisang-isang anak nina Dayang Makiling at Gat Panahon, na para-parang bathala o engkantado kung sa ngayong pakahulugan. Tanging-tanging mutya ang nabanggit na lakambini sa kanilang tahanan pagka’t siyay’y bugtong na aliw ng kanyang ama’t ina. Siya ang liwanag ng kanilang paningin; siya ang galak ng kanilang puso; anupa’t sa biglang pangungusap, siya ang kayamanang impok ng kanilang buhay. Sa kanilang katandaan, si Maria ang bango at kulay ng mga araw nilang unti-unting nawawalan ng sigla’t lakas.
Si Maria’y hindi taga-lupa, bagama’t siya’y nakiki-ulayaw sa madlang kinapal. Gaya na nga ng aking nasabi, nang panahong yao’y maaaring makipag-usap ang mga tao sa bathala; maaari silang magkatabi sa lilim ng isang punungkahoy. Maaaring patulong sa kanila ang isang nilikhang nasa kagipitan, at ang mga ito naman, kung sadyang taimtim sa loob ang paghiling, ay hindi nagmamaramot. Kung ang pastol ay humihihip ng subing o plauta habang siya’y nagpapalipas ng maligayang sandali sa piling ng mga binabantayang hayop, sa kaginsa-ginsa’y susulpot nalamang sa kanyang harap ang isang nimpang lipos ng alindog upang makinig at makihati sa kaligayahan.
Naging ugali na ni Maria, sa araw-araw halos, ang lumuwas sa bayan at mamili sa talipapa. Kaparis ng ibang babae, siya’y nakasuot ng sutlang kung minsa’y may burdang bulaklak at malalapad ang guhit na siyang kinaugalian nang panahong yaon. Ang kanyang maitim at malagong buhok na kung ilugay ay abot hanggang sakong ay may pahiyas na sariwang bulaklak-suha. Sa kanyang dibdib ay nakayakap ang mabangong kuwintas ng ilang-ilang. Magiliw siyang mangusap at lipos ng galang. Mahinhing kumilos na wari bang nahihiya. Bakit ang hawas niyang mukha’y salamin ng kagandahan. Bakit ang kanyang mga mata’y sakdal nang aamo. Maging ang kanyang kapwa babae’y naakit bumati sa kanya. Ang mga maginoo, sa kanya’y nagyuyuko ng ulo.
Si Maria’y laging may kasamang dalawang ita sa kanyang pamimili. Ang mga nasabing utusan ay hindi lumalayo sa likod ng kanilang panginoon. Sa kanilang dalang buslo ay maliwanag na mapapansin ang mga luyang kulay-ginto na pinamamalit ni Maria. Nang panahong yao’y walang kuwartang katulad ngayon na ating ibinibili ng kailangan. Noon, sa halip na bili ay palitan ang palakad ng bawa’t tao. Doon nga sa talipapa nagtutungo ang may kailangan. Sari-saring bagay ang matatagpuan doon. Mga pinatuyong balat ng hayop na may magagandang balahibo. Mga banig na yari sa buli’t sa pandang may kulay salit-salit. Mga sutlang habi na may malalapad na guhit ay may patak-patak. At kung anu-ano pang kagamitan sa loob ng bahay ang paninda roon.
May tanging araw na tinatawag nilang pagpapalitan. Sa araw na yaon lumuluwas sa bayan ang maraming tao upang makipamalit. Palibhasa’y hindi luyang talaga ang ipinamamalit ni Maria, kundi tunay na luyang ginto, kung kaya marami ang nagbibili sa kanya ng iba’t ibang lako. Nagkataon namang sa araw na yao’y namamalit si Gat Dula. Bukod sa kanyang ilang kawal na lingkod na kasama’y may kasama pa siyang mga dugong-mahal. Si Gat Dula ay taga-Bai, kaya sa kanilang pagtungo sa bayan ng Makiling ay kinailangan nilang gumamit ng malaking bangka. May kalayuan ang agwat ng dalawang bayang nabanggit. Kaya kung sa mga kangga sila sasakay na hila ng mga kalabaw ay tatanghaliin sila ng pagdating.
Sukurta daugiau nei 30 milijonų siužetinių lentelių